Thursday, June 17, 2010

Kwentong Commuter na naman

Nagjeep ulit ako...

Isang umaga galing ako sa palengke sumakay uli ako ng jeep pauwi. Syempre marami akong dalahin…isang bayong na food ingredients para sa isang linggong pagkain namin ng aking mag-anak. Nadatnan ko mga apat pa lang ang sakay ng Sarao. Pag-akyat ko pa lang sa jeep nasaksihan ko na ang samu’t saring pag-uugali ng mga tao. Si totoy, buong bait akong inasiste sa pagbuhat ng aking bayong…si Neneng maganda na medyo maarte ‘di na nga ako pinaupo malapit sa may pinto bilang konsiderasyon sa mabigat kong dalahin, umusog pang lalo malapit sa may pinto at pinabayaan pa kong umabot sa dulo sa likuran ni Mamang Drayber. Aruy…ang sabi ko sa isip ko…multuhin ka sana ni Jose Rizal! Pag-upo ko, akmang magbabayad pa lang ako ay bigla na lang inabot sa ‘kin ni Neneng maarte ang bayad nya ng wala man lang pasintabi na pinapakipaabot nya kay Mamang Drayber ang bayad nya at sabay sabing, “bayad po”…the nerve! feeling nya ata kundoktor ako kaya sa ‘kin nya inaabot ang bayad nya. Di ko nga kinuha at nagpanggap na lang akong busy sa paghahanap ng barya sa aking wallet…feeler sya! Pagdating sa may kanto ng Jenra, bumaba na si neneng maarte at pinalitan naman ng apat na teen-ager –dalawang babae, isang lalaki at isang bading. Kwentuhan ang mga bagets…malalakas ang boses, ha. Feeling nila nasa bahay lang sila. Maya-maya binuksan ni Mamang Drayber ang radio nya…”hwag mong sabihin ang radio, sabihin mo, energy!” Bigla na lang pumailalang na ang boses ni Lady Gaga…love, love, love, I want your love… itong bagong sakay na mga teen-ager sinabayan pa ang kanta na animo back-up singer sila ni Lady Gaga! Gusto ko silang bawalan dahil natuyo ang utak ko sa ingay nila kaya lang sabi ko sa sarili ko, hwag na lang…di naman akin ang jeep. Sa loob-loob ko, sana patayin na lang ni Mamang Drayber ang radio nya…nakakataas ng energy ang kanta ni Lady Gaga, hmp! Isa pa malapit na naman akong bumaba. Kaso, pagdating sa kanto ng RCBC Sto. Rosario, naghintay pa ng pasahero si Mamang Drayber…grrr! May sumakay namang isang pasahero pagkatapos ng sampung minutong paghihintay. Si nanay na pula ang lipstick sumakay at umupo sa harap ko. Ngingiti-ngiti na para bang sinasabi sa akin na “ang ingay naman ng mga teenager na ‘to…” Hay salamat, sabi ko sa sarili ko, may kakampi na ‘ko. Tuloy pa rin sa pag-iingay ang mga teen-ager… tuloy din sila sa pagkanta ng bagong salang na awit ni Katy Perry…”cause when I’m with him, I’m thinking of you…thinking of you…” nabanas si nanay na pula ang lipstick sabay sabing, “ Mamang drayber, hinaan mo nga ang radio mo! Napahiya si Mamang Drayber sabay patay na lang sa radio…sa loob-loob ko…wagi ka nanay…bravo! Tameme ang mga teenager, bigla silang nanahimik… Pagdating sa may Holy Angel, bumaba na rin sa wakas ang mga maiingay na teen-ager…biruin mo sa asal pala nilang ‘yon nag-aaral pala sila. Pa’no pa kung hindi…siguro mas maingay pa sila…naku, multuhin din sana kayo ni Jose Rizal!