Friday, May 1, 2009

Kwentong Sisig at iba pa


Ang kwento ko ay iikot sa Crossing, lugar kung saan nauso ang sisig ni Aling Lucing (+)...Isang lugar sa Angeles na sakop ng Bgy.Recto ba o Agapito del Rosario.
Noong bata pa ko, mga trese anyos pa lamang ako, nagkaroon ako ng pagkakataon na makasalamuha ang mga tao sa Crossing...kung sa anong dahilan ay di na importante yon. Crossing...isang lugar na kung saan nauso ang inuman ng pale pilsen ng san miguel beer. Kadalasan ang beer na ito ay tineternuhan ng inihaw na manok o barbekyung manuk o di kaya inihaw na tenga ng baboy, leeg ng manok at kung ano-ano pa Hindi pa uso ang sisig ng mga panahon na yon...pero darating din tayo don... di pa rin uso ang mga home along the riles dahil masiglang masigla pa ang PNR nuon.Nasa pagitan ng taong 76 hanggang 78. Tanda ko ang mayor, si Lazatin. Hindi si Tarzan...yung tatay niya na lolo sa tuhod ng dati kong estudyante.Wala pang lisensya ang pagtinda ng beer nuon sa crossing. Ang buong hilera ng mga nagbabarbekyu sa lugar na yon ay hinuhuli ng mga taga city hall...Nuon ko nakita sa pangalawang pagkakataon si Tatang Peleng Lazatin.Siya mismo ang nagmomonitor ng mga tindahan sa crossing pagkatapos siguro niyang manghuli ng sidewalk vendor sa palengke. Tinintingnan niya kung di ba lumalabag sa batas ang mga nagtitinda ng barbekyung manuk. Kaso, matatalino ang mga may-ari ng barbekyuhan. Isa si Aling Lucing sa mga yon. Ang ginawa niya, bumili siya ng napakaraming tall plastic tumblers at duon niya sinerve ang beer. Para nga naman hindi obvious na nagtitinda siya ng beer kahit wala siyang lisensiya. Buong akala ng mga tindera duon magogoyo nila si Tatang Peleng kaso, ‘di hamak namang mas matalino ang mayor kesa sa kanila. Isang gabing nagronda si mayor, lumapit siya sa customer at inamoy niya ang laman ng plastic na tumbler...nuon ako nakakita ng nagtutumbahang ihawan dahil sa lakas ng sipa ni Tatang Peleng. 'Di naman nagtagal at kumuha na rin ng lisensya ang mga nagtitinda ng beer. Siguro napagod na rin sila sa kaka hide and seek kay mayor. Dumaan ang mga araw na nagsawa na sa kakapulutan ng barbekyung manuk ang mga tao. Ewan ko ba kung pano pumasok sa isip ng mga kampon ng mga nagbababerbekyu at naisip nilang maging adventurous sa pagluluto nila. Ang impresyon ng mga mamamayang Pilipino, si Aling Lucing o Apung Lucing ang unang nagpauso ng sisig... wrong! Isa lang siya sa mga nagpauso sa pagkaing yon. Paano naman si Apung Kadok Dinio na asawa ni atsing Beth? Naaalala ko na unang sinubukan ni Apung Kadok (lalaki po siya) na gawing sisig ang tenga ng baboy. Pagkatapos niyang hiwain ng bite size ang almost gelatinous sa lambot na tenga hinahaluan niya ito ng suka, paminta, asin, at sibuyas. Wala pang sizzling plate nuon. Simpleng sisig lang okay na. And the rest is history, sabi nga nila. Pero sana, sa mga nababasa kong history ng sisig, isali naman si Apung Kadok Dinio. Sabagay di na makapagreklamo yung tao dahil maaga kasing pumanaw...na heart attack yata. Bago pa man nagboom ang Crossing, binawian na ng buhay ang pobreng tao.'Di na nagkaroon ng pagkakataon na maexplore ang lahat ng possibilities ng sisig. Diyan papasok ang galing ni Apung Lucing. Nauso naman niya ang pagserve ng sisig sa sizzling plate (feeling ko siya lang ang may kakayahang makabili ng sizzling plate). Naisipan din niyang samahan ng inihaw na atay ng manok at gawing pisngi ng baboy ang sisig (oo nga naman, mas marami ang yield at mas malaman ang pisngi kesa sa tenga). Sa pagkakataong ito, nakisabay naman sina Atsing Fely (na asawa ni kong Arthur na may dalawang anak na magandang dalaga) at Apung Naty na hipag ni Atsing Afric (siyanga pala, una munang nakapangalan kay Atsing Afric ang pwesto ni Aling Naty. Nuong kalaunan pinalitan na lang ito na Aling Naty). Kaya lang naunang huminto sa pagtitinda si Atsing Fely. Kung bakit, di ko alam.
Nuong magcollege na kami ng kapatid ko, sa HAU na ko nag-aral. Sa hirap ng buhay nuon, naghanap ng pwesto sa may harapan ng crossing ang nanay namin para makapagpatayo kami ng bistro...ay, carinderia pala. Pinagtulungan naming magkakapatid yung carinderia namin. Si ima ang tagapalengke, ang tatang namin ang chef, ako at yung kapatid ko ang assistant chefs, samantalang ung isa naming ate at kuya ang sellers. Malakas ang kita sa pagtinda ng pagkain. Kaya lang patay katawan mo sa pagod. Baka naman kala nyo sa carinderia ako natutong maging gourmet and gourmand...wrong again! Bale ang boss ko ang nag-expose sa kin sa different types of cuisine. Pero syempre, ibang kwento naman yon.
Balik tayo sa crossing, sa pagdaan ng panahon unti - unti naming nasaksihan ang pagbabagong bihis ng crossing. Nagkaroon ng gotohan si Mang Larry sa tabi ng mga barbekyuhan. Unti-unti ring napapalitan ang mga may-ari ng mga pwesto kasabay ng pagkukulong ng mga tindahan na parang ibig ipahiwatig na something private is hapenning inside. In other words, ang mga tindahan ay nagmistulang mga beer house na naiilawan ng pulang ilaw. Buti na lang, nagdesissyon ang ima namin na iwan yung lugar na yon. Wala na kasing magbabantay sa carinderia at mga propesyonal na kami ng mga kapatid ko.

No comments:

Post a Comment