Wednesday, July 8, 2009

Kwentong Commuter, ulit!

Ang wala sa planong pagpunta sa grocery

Galing ako sa grocery. Ito ay isa sa mga araw na hindi kasali sa budget ang pagbisita ko dito. Naisip lang ni bunso na magrequest ng beef tapa for dinner. Balak ko lang talagang bumili ng karne at iba pang sahog para sa iluluto ko. Dala ko na ang basket…ishoot ang beef..ishoot ang toyo…ishoot ang seasoning…pero teka, wala pala kaming itlog, ishoot ang itlog…wala pala kaming bath soap… ishoot ang bath soap, wala pala kaming sabong panlaba… ishoot ang sabong panlaba, wala pala kaming energy drink… ishoot ang energy drink, wala pala kaming loaf bread… ishoot ang loaf bread, wala pala kaming vetsin… ishoot ang vetsin, at wala na pala akong pera…stop me! Tapos na 'kong mamili…

Habang nasa jeep ako, tiningnan ko ang resibo kung magkano inabot ang wala sa planong pagpunta sa grocery. Marami-rami rin, ah. Naisip ko tuloy si Pres. Arroyo kung tatakbo pa siya sa susunod na eleksyon. Tanda ko, naisip ko rin si Erap nuong siya pa ang presidente nuong minsang napagrocery ako bigla. Hahabol pa kaya si Erap? Buti na lang bago pa nangyari ‘yon napeople power na siya. Pero teka, balik tayo kay PGMA dahil siya ang bida sa kwento ko at hindi si Erap. Naisip ko nga siya dahil ang mahal ng bilihin pero mas naisip ko ang issue na ‘di naman dapat gawing issue – breast implantation slash breast biopsy slash breast leak. Kung breast biopsy nga, okay lang dahil kailangan nating malaman ang kalagayang pangkalusugan ng ating pangulo. Kung leak o implantation hindi dapat pag-usapan at lalong hindi dapat i-leak ng kung sinumang herodes. Karapatan ng bawa’t tao, babae man o lalaki to look good and to feel good about himself or herself, presidente man o hindi. Ang hirap nito ang daming gustong sumakay sa issue. Ang babaw…mabuti pa, magjeep na lang kayo!

Ayan, sa kakaisip ko ‘di ko namalayan na malapit na pala ako sa amin. Nakalimutan ko rin kung nagbayad na ba ako o hindi. Nakakahiya man ay tinanong ko pa si mamang driver kung nagbayad na’ko. Sinagot naman nya ko kaya lang tanong din ang naging sagot nya sa ‘kin. Bandang huli nagbayad din ako. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung nagbayad na ba ‘ko o hindi. Nakakahiya, ano?

Ang nakabonding kong grocery bag

Itong si ate nadatnan ko na lang sa jeep pagsakay ko. Kaya lang si ate imbes na sa may lugar n'ya ilagay ang grocery bag n'ya ay sa may bakanteng upuan n'ya ‘to tinapat. Pag-upo ko medyo inilayo ko ng konti sa akin para ilapit sa kanya ang grocery bag n'ya na para bang sinasabi ko nang nakangiti ang, “demarcation line natin ito, hanggang dito lang ang 7 pesos mo.” Sa wakas umandar na ang jeep pagkatapos ng dalawang long playing album sa radio. 'Yung grocery bag ni ate medyo nararamdaman kong nakadampi sa binti ko…parang feeling ko nagbonding kami ng matagal ng grocery bag and this gave me the feeling that it was mine…ooops, malapit na'ko sa 'min…paraaaa… sabay bitbit sa grocery bag ni ate. Sabi ko sa ‘yo naging close kami kaya ‘kala ko akin. Pero bago pa namalayan ni ate na bitbit ko ang grocery bag nya ay patay mali ko na itong naibaba sa tabi nya…at buong bait kong sinabi ang…”excuse me, po.”

Sunday, July 5, 2009

Kwentong Commuter Part 2


Gaya ng nakwento ko na, marami akong nasasaksihan pag ako’y nasa jeep. Sa ‘di malamang pagkakataon ay mas marami akong nakikita pag lulan ako ng Sarao. Isang uri ng pampasaherong jeep na matagal punuin lalo na pag sa may Balibago ka sasakay papuntang Dau. Pagpapawisan ka na ng malagkit at mabibilad ka na ng parang daing ay ‘di pa mapuno-puno. Kadalasang nangyayari ito ‘pag nagmamadali ka. Susumpain mo pati gobyerno ng Pilipinas kahit wala namang kinalaman ito sa dinaranas mo.


Ewan, ewan virus

Isang araw ako ay nabiyayaan ng tatlong araw na vacation leave…meaning, bakasyon na may bayad. Actually tira lang yon doon sa 18 days na pribelehiyong bigay ng aking amo. I did not spend those days gallivanting in the mall… namasyal ako sa klinika ng aking OB Gyn. Wala lang, naisip ko lang na sumailaim sa isang uri ng pagsusuri na para sa mga nanay na dahil nga 40’s na ko. Sabi ko nga, mahirap ng magsisi sa huli. Sa tatlong araw ko ng pagsakay-sakay sa Sarao, I suddenly became an expert paranoid pag may nakakasakay akong inuubo-ubo. Uhu, uhu, uhu… sabi ng katabi ko, feeling ko lahat ng bumulwak na virus ni tiyong na galing sa bibig niya at ilong ay nainhale ko. Wala pa namang panyo si tiyong. Ang pobre, pinantakip ang kamay. Habang binabaybay ng Sarao ang kahabaan ng daan, si tiyong nagbayad “heto po ang bayad,” sabay abot sa ‘kin na animo’y konduktor ang tingin niya sa ‘kin. “Di ko alam kung kukunin ko ba at iaabot kay mamang driver o magbubulag-bulagan na lang ako. Bandang huli, dahil umandar ang paging girl scout ko, inabot ko na kay mamang driver ang bayad niya.

Ito naming si Ate sa aking kanan, todo kwento sa kaharap niya na feeling niya nasa bahay lang sila sa sobrang lakas ng boses niya. ‘Di ko mapigilan ang marinig at makinig sa kanilang pinag-uusapan dahil malakas nga ang boses ni ate.

Ate: masanting a headband itang atin batu-batu. Bage ‘yang pagballroom katernu ne nitang kilap-kilap kung malan a matuling…

Kausap ni Ate: atin keng SM Clark, Karin ka sali…

Ate: blah, blah, blah…..

Maya-maya ay nakita ko na lang na yumuko si ate na parang sinisilipan ang sarili niyang boobs… sa isip-isip ko’y may topak si ate at binobosohan nya ang sarili nya. Hinawakan pa ang neckline ng blouse nya…mga less than 5 seconds siyang nasa ganoong posisyon… laking gulat ko nang bumahin (humatsing) sya nang pagkalakas-lakas…AAAATSU! Ayun si ate, dahil walang panyo pinantakip pala nya ng ilong at bibig ang kanyang blouse. At least, concern si ate. Ayaw nyang kumalat ang kanyang virus…

Ito namang kaharap kong dalaga, takot din sa ewan-ewan virus. Super takip siya ng papel sa bibig nya at buong diring tumatagilid para di mapaharap kay tiyong na inuubo at kay ate na humahatsing. Dedma din sya pag nakikisuyo ang kapwa nya pasahero pag pinapaabot ang bayad nila. Buong arte din nyang sinasabit sa mga tenga nya ang kanyang newly rebonded hair pag nahahangin-hanginan. In other words maarte si dalaga. Pati kapwa pasahero nya ay naartehan na sa kanya. Kulang na lang sabay-sabay siyang sipain palabas ng Sarao at sabay sigaw ng, “bili ka ng sarili mong kotse”. Buti na lang dina sila umabot do’n dahil bago pa nila nasipa si dalaga ay bigla na lang syang nasamid sa laway nya. Inubo nang inubo ng pagkaha-haba. At dahil walang panyo ang dalaga, di nya alam kung pano nya tatakpan ang kanyang bibig. Sa wakas nahimasmasan din si dalaga kaya lang muntik na syang mahulog sa kinuupuan nya nang makita nyang lahat ng pasahero ay buong diri ding nakatakip ang mga bibig nila habang nakatingin lahat sila sa kanya…


Para kanino ba ang sidewalk?

Isang araw uli ‘di ako nakasakay sa jeep. Nilalakad ko ang kahabaan ng Plaridel St. sa Angeles papuntang San Nicolas Market. Madaming tao sa daan pero ‘di hamak namang mas marami ang sidewalk vendors. Sino ba ang mga sidewalk vendors? Ah, palagay ko sila ang nagmamay-ari ng sidewalk. Yung kasunod kong mag-ina na nang-overtake sa kin sa paglakad, sa daan mismo na sila dumaan dahil di nga sila makadaan mabuti sa sidewalk. Maya-maya ay may narinig akong lumagutok na parang nasagasaan na plastic cup. Pagtingin ko, nakaupo si boy at may dugo ang paa nya. Naipit pala siya ng gulong ng jeep dahil nga sa daanan na ng jeep sila naglakad ng nanay nya. Tinulungan naman sya ng mga usyoso na maisakay sa jeep para dalhin sa ospital.


Long time no see

Isang araw na naman, naisip kong maglamyerda sa Apo. Biyernes kasi ‘yon at walang pasok. Wala lang, gusto ko lang lustayin ang konti kong pera. Naging masaya naman ako dahil naibili ko ang pamangkin ko ng sapatos na nagkakahalaga ng 125 pesos. Naibili ko rin ng original na blouse na faded glory ang tatak ang anak ng kaibigan ko. Tuwang-tuwa ako sa nabili ko. Sumakay na ko ng jeep pauwi. Feeling masaya. Maya-maya, may sumakay na ale. Nginitian ako dahil dati ko palang kaklase sa Holy Angel nuong first year high school. Mga 31 years ago. Ganito ang nagging takbo ng usapan naming.

Ako: Kumusta… (di pa ko natapos sa sinasabi ko ay bigla na lang siyang nagbitiw ng…)

Kaklase: ang taba mo… ba’t ka tumaba ng ganyan…

Inis na inis ako sa nakakasakit na katotohanang sinabi nya. Totoo naman na tumaba ako pero kailangan bang ipamukha nya sa kin. Mantakin mo yon, more than 30 years kaming di nagkita at yun ang bati nya sa kin. Ewan ko ba at anong kultura meron ang Pinoy. Parang lambing sa kanila ang pagsabi sa kakilala na tumaba ito. Pwede namang “mukha kang okay,” anong ginagawa mo ngayon,”…yun bang parang sa Ingles na “you look good,” what keeps you busy,”

Feeling kasi natin, yung dati nating kaklase o kakilala na dating 90 pounds nuong mga bata pa tayo ay mananatiling gano’n. Nakakalimutan natin na lumilipas ang panahon at kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagbagal ng ating metabolism. Pero sa isang banda, okay pa rin kahit nakakapikon. Kasi may hatid pa ring tuwa ang makakakita ng dating kaklase. Ito’y dahil na rin sa madidiscover mo na mas mukhang matanda pa sila sa ‘yo kahit kasing-edad mo lang sila o mas bata pa sila sa ‘yo. Naisip ko tuloy baka di nagsa-sunblock si classmate kaya mukhang tuyo ang balat niya…JOKE!