Wednesday, July 8, 2009

Kwentong Commuter, ulit!

Ang wala sa planong pagpunta sa grocery

Galing ako sa grocery. Ito ay isa sa mga araw na hindi kasali sa budget ang pagbisita ko dito. Naisip lang ni bunso na magrequest ng beef tapa for dinner. Balak ko lang talagang bumili ng karne at iba pang sahog para sa iluluto ko. Dala ko na ang basket…ishoot ang beef..ishoot ang toyo…ishoot ang seasoning…pero teka, wala pala kaming itlog, ishoot ang itlog…wala pala kaming bath soap… ishoot ang bath soap, wala pala kaming sabong panlaba… ishoot ang sabong panlaba, wala pala kaming energy drink… ishoot ang energy drink, wala pala kaming loaf bread… ishoot ang loaf bread, wala pala kaming vetsin… ishoot ang vetsin, at wala na pala akong pera…stop me! Tapos na 'kong mamili…

Habang nasa jeep ako, tiningnan ko ang resibo kung magkano inabot ang wala sa planong pagpunta sa grocery. Marami-rami rin, ah. Naisip ko tuloy si Pres. Arroyo kung tatakbo pa siya sa susunod na eleksyon. Tanda ko, naisip ko rin si Erap nuong siya pa ang presidente nuong minsang napagrocery ako bigla. Hahabol pa kaya si Erap? Buti na lang bago pa nangyari ‘yon napeople power na siya. Pero teka, balik tayo kay PGMA dahil siya ang bida sa kwento ko at hindi si Erap. Naisip ko nga siya dahil ang mahal ng bilihin pero mas naisip ko ang issue na ‘di naman dapat gawing issue – breast implantation slash breast biopsy slash breast leak. Kung breast biopsy nga, okay lang dahil kailangan nating malaman ang kalagayang pangkalusugan ng ating pangulo. Kung leak o implantation hindi dapat pag-usapan at lalong hindi dapat i-leak ng kung sinumang herodes. Karapatan ng bawa’t tao, babae man o lalaki to look good and to feel good about himself or herself, presidente man o hindi. Ang hirap nito ang daming gustong sumakay sa issue. Ang babaw…mabuti pa, magjeep na lang kayo!

Ayan, sa kakaisip ko ‘di ko namalayan na malapit na pala ako sa amin. Nakalimutan ko rin kung nagbayad na ba ako o hindi. Nakakahiya man ay tinanong ko pa si mamang driver kung nagbayad na’ko. Sinagot naman nya ko kaya lang tanong din ang naging sagot nya sa ‘kin. Bandang huli nagbayad din ako. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung nagbayad na ba ‘ko o hindi. Nakakahiya, ano?

Ang nakabonding kong grocery bag

Itong si ate nadatnan ko na lang sa jeep pagsakay ko. Kaya lang si ate imbes na sa may lugar n'ya ilagay ang grocery bag n'ya ay sa may bakanteng upuan n'ya ‘to tinapat. Pag-upo ko medyo inilayo ko ng konti sa akin para ilapit sa kanya ang grocery bag n'ya na para bang sinasabi ko nang nakangiti ang, “demarcation line natin ito, hanggang dito lang ang 7 pesos mo.” Sa wakas umandar na ang jeep pagkatapos ng dalawang long playing album sa radio. 'Yung grocery bag ni ate medyo nararamdaman kong nakadampi sa binti ko…parang feeling ko nagbonding kami ng matagal ng grocery bag and this gave me the feeling that it was mine…ooops, malapit na'ko sa 'min…paraaaa… sabay bitbit sa grocery bag ni ate. Sabi ko sa ‘yo naging close kami kaya ‘kala ko akin. Pero bago pa namalayan ni ate na bitbit ko ang grocery bag nya ay patay mali ko na itong naibaba sa tabi nya…at buong bait kong sinabi ang…”excuse me, po.”

No comments:

Post a Comment