Wednesday, April 15, 2009

Akala ko…


Nuong ako'y bata pa, Akala ko…


Nuong ako'y bata pa akala ko madali ang mag-asawa basta may syota ka. Nang ako’y mag-asawa na nalaman ko mahirap pala…


Nuong ako’y bata pa akala ko madali ang magkaanak basta may asawa ka. Ngayong ako ay may anak na, naisip ko mahirap pala pag pinapalaki mo na sila…


Nuong ako'y bata pa akala ko basta may anak ka na, nanay na ang tawag sa’yo, yun pala mahirap ang magpakananay…


Nuong ako’y bata pa akala ko madali ang maging guro, yun pala mas mahirap magpakaguro…


Nuong ako'y bata pa akala ko basta close ka sa tao, friend mo na sya…yun pala, mahirap maghanap ng kaibigan…


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata akala ko ay mali pala…


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata nalaman ko mas madali pala ang may asawa kesa sa wala. May kausap ka gabi-gabi lalo na ngayon na ‘di ka na makahabol sa pinaguusapan ng mga anak mo.


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata nalaman ko masaya ang magpalaki ng anak. Lalo na pag nakikita mo ang younger version ng asawa mo sa kanila. Excited rin ako na makita sila sa eksaktong edad kapareho ng tatay nila nuong nagliligawan pa lang kami.


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata nalaman ko na masarap sa tenga ang matawag na nanay – totoong nanay ka man o nanay- nanayan ka lang ng pinapalaki mong anak.


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata nalaman ko na mas madali ang maging guro pag mayaman ka na sa karanasan. Ikaw ay papapel bilang nanay-nanayan ng mga batang tinuturuan mo. Umaasa din sa’ yo ang sambayanan. Sabi nga sa Ingles, “teachers make all professions possible”. Bigat, no?


Ngayong ako’y medyo ‘di na bata nalaman ko madaling maghanap ng kaibigan kung ikaw ay isa ring kaibigan. At ‘pag nakita mo na ang isang tunay na kaibigan, pahalagahan mo siya at mahalin…

No comments:

Post a Comment